Pagdurusa!
(Kabanata 2)

Sinasabing ang Pilipinas ay isa sa mahihirap na bansa sa buong mundo. Bakit nga ba mahirap ang bansang Pilipinas? Sino nga ba ang dapat sisihin sa paghihirap ng ating mamamayan? Ang gobyerno nga ba o tayong mga Pilipino na tamad? Masasabi ba nating nabigo na naman ang mga pangako ng mga politiko patungkol sa kahirapan ng mga Pilipino? Ang bansang Pilipinas ay hindi pa rin nakalalaya sa kahirapan na sumisira sa bawat isa. Ang kahirapan ang isa sa mga mabibigat na problema ng ating bansa. Ang kahirapang nararamdaman ng mga Pilipino ay maikukumpara sa isang malagim na epidemya na kumakalat sa buong mundo hindi lamang sa ating bansa. Ang epidemyang ito ay patuloy na hinahanapan ng lunas ngunit ito’y mahirap makamtam.


Ang kahirapan ng buhay ang isa sa mga problema ng nakararaming Pilipino. Patuloy ang paghihirap na parang nasa kumunoy na habang kumakawag ay lalong nababaon sa ilalim. Sa bansang ito na matindi ang politika, ang mahihirap ang kinakasangkapan para sa pansariling interes. Ang mahihirap ay masarap taniman ng pangako sapagkat siguradong nagbubunga. Ang masaklap, kapag nakapuwesto na ang nangako, nalilimutan na ang mahihirap na nagluklok sa kanila. Marami nang naging Presidente ang Pilipinas subalit ang kahirapan pa rin ng buhay ang idinadaing. Paano’y ang pamumulitika ang kanilang inuuna. Masyadong apektado ng politika ang buhay sa bansang ito na ang naiipit ay ang kawawang mahihirap. May mga nakaupo sa gobyerno na inaabuso yung kapangyarihan nila, nagnanakaw sa kaban ng bayan. Hindi rin kasi nating maiwasang umasa minsan sa pangako nila, may mga politikong garapalan kung mangurakot, meron din namang mga pasimple o patago. Yung pagtakbo nila sa eleksyon, pagnanakaw lang pala ang intensyon. Kaya tuloy ang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap naman ay lalong naghihirap. Ang motto kasi nila ay “BUY the people, POOR the people, OFF the people”. Ito ang pinakamalupit at talamak na dahilan ng paghihirap ng bayan. Ang mga perang nakalaan sana para sa kapakanan ng mga mamamayan ay napupunta lang sa bulsa ng iilan na mga may kapangyarihan sa pamahalaan. Ang isyung ito ay hindi na iba para sa mga Pilipino. Ito ay maituturing na kanser ng lipunan. Ang mga pondo na para sa pagpapaunlad ng buhay ng mga mahihirap ay ginagamit ng mga politiko para sa sariling interes. Dahil sa mga maling gawain ng mga politiko, maraming mga simpleng mamamayan ang naaapektuhan dahil sa talamak na suliraning ito. Kahit sino pa yang ipalit mo sa puwesto ng pangulo natin, sisiraan at sisiraan pa rin iyan.



Sunod na dahilang ito ay ang pagtaas ng populasyon ng bansa, dahil dito marami ang hindi nabibigyan ng pagkakataong makatrabaho. Gayunman, karamihan din kasi ay walang ambisyon sa buhay, kuntento na kung ano ang mayroon sa kanila. Dapat kasi gumawa tayo ng paraan para mabuhay, hindi yung isisisi na lang natin sa iba ang paghihirap natin. Ika nga nila, “Hindi mo kasalanang ipinanganak kang mahirap, pero kasalanang mong mamatay ng mahirap dahil hindi ka nagsumikap". Nagmumula rin sa magulang na hindi pinagtutuunan ng pansin ang kanilang mga anak. Isa rin itong dahilan marahil sa katamaran ng mga Pilipino na maghanap ng trabaho.


Sa aking pananaw ay makikita natin na wala pa ring pag-unlad ang bansang Pilipinas. Kung walang pagbabago ang bansang Pilipinas, bakit hindi natin ito simulan sa ating mga sarili. Kung hahayaan natin na daigin na lamang tayo ng kahirapan at diktahan tayo kung anong uri ng pagkatao mayroon tayo, hindi malayong tayo ay maging mga alipin ng kahirapan. Ang bawat isa sa atin ay nakikibaka sa kahirapan at nagnanais na makaahon mula rito. Ang kahirapan ay hindi tinatakasan o tinatakbuhan, sa halip ito ay hinaharap at nilalabanan. Tuluyan tayong magiging malaya kung patuloy tayong magsisikap na makaahon sa kahirapan, kahit na para sa iba ay tila napaka-imposibleng mangyari. Siyempre, kung naghahangad tayo ng pagbabago, nararapat lamang na ito ay magsisimula sa ating sarili at hindi sa ibang tao. Kung ano man ang Pilipinas ngayon, iyon ay dahil lang sa Pilipino rin mismo. Kung kaya’t huwag tayo magturo ng daliri sa kung sinuman ang dapat sisihin dito dahil lahat tayo ay may kinalaman sa problemang ito.





Pinagmulan:

Imahe:

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento